Ako ay Pili-Kano

ni Angelique Billones

Kung gaano tayo ka-desperadong makaalis sa ilalim ng pananakop ng mga dayuhan noon ay siya ring pag-hangad nating maging parte ng departamyento nila ngayon.

Namulat tayo sa mga salitang kinalakihan natin at lalo pang ipinagtibay sa pamamagitan ng ating mga guro kasabay ng pagtuklas sa mga pahinang naglalaman ng mga importanteng kaganapan sa buhay ng mga Pilipino noon. Natuklasan natin ang mabuti at masamang naidulot ng pananakop ng iba’t-ibang bansa sa atin at ang pagpakahirap ng mga bayaning ang tanging hangad ay tumayo tayo sa sarili nating mga paa. Ngunit sa mga kaganapang nangyayari sa ating bansa tuluyan na nga bang nababaon sa wala ang nasimulang yapak ng mga taong sabik na makamit natin ang kalayaan?

Sasang-ayon ba kayo sa’kin ‘pag sinabi kong isa tayo sa mga taong hindi makuntento kung ano mang biyaya ang meron tayo sa ating bansa?  Magagalit ba kayo ‘pag sinabi kong napaka-walang utang na loob ang pagsisi sa mga bayani natin noon na ipaglaban ang kalayaang nakamit hanggang ngayon?  Hangang kailan n’yo kayang tumayo sa kaisipang sana Pilipinong Amerikano tayo ngayon? Hindi ba napaka-lubos naman kung ang tanging iniisip n’yo lamang ay mga pansariling interes dahil sa kaisipang sosyal ‘pag Amerikano ka?

“Mabuti nang masakop tayo ng mga Amerikano para mapamukha sa mga taong namumuno sa ating bansa na wala silang ginawa kundi ang gamitin sa wala ang pera ng mamamayan!”

Habang nagbabasa ako ng mga artikulong naglalahad na baka sakaling ampunin ang pulong Kabisayaan pansamantala ng Estados Unidos ay ang mga salitang ‘to ang tumatak at nakakuhang-pansin sa akin. Tama nga naman na minsan ang paggamit sa pondo na dapat para sa tao ay ginagamit ng mga pulitiko sa pansariling kapakanan. Pero gaano tayo nakakatiyak na ‘pag sinakop tayo muli ng mga Amerikano ay hindi magaganap ang ganitong sitwasyon? Dahil nga ba sa akala nating napaka-perpekto at napaka-unlad ng kanilang bansa?

Kagaya natin, marami rin silang hinaharap na problema na baka higit pa kaysa sa hinaharap natin.  Paano ka nakakasiguro na tayo ang uunahin nila na mabigyan ng tulong kung marami pa ang mas nangangailangan sa kanilang bansa?  Dagdag pa sa kaisipang ibaliktad n’yo man ang mundo, purong Pilipino tayo at mas nahihigit pa rin ang mga taong kadugo nila kesa sa atin.

Sino ba naman ang hindi naghahangad ng patas na pamumuno at gustong makamit ang mapayapang pamumuhay na walang reklamo?  Ngunit ang mga ito nga ba ang makakamit natin sa pagpapa ampon sa ibang bansa?

Bago tayo pumili ng inaakala nating mas makabubuti sa atin, sana ay tingnan natin ang mas malaking debuho ng mga bagay-bagay.  Kailangan rin nating isipin ang mga posibleng mangyari ‘pag tayo ay naging parte ng kanilang bansa. Paano na lamang ang pamilya nating nasa Luzon at Mindanao, kailangan pa kaya nila ng Visa para makarating sa ating lugar at maging tayo rin papunta sa kanila?  Napaka-astig mang isipin pero mas masakit pag ang gastos ay titingnan. At anong wika ang gagamitin natin?  Magiging Ingles na rin kaya?  Sa kaisipang madali tayong maingganyo ‘pag ang mga pangyayari ay bago. Paano na lamang ang katutubong salita ng bawat rehiyon, unti-unti ba itong malilimot ‘pag naglaon?  Ang mga ito ay ilan lamang sa mga maaaring magbago sa kultura at pamumuhay na ating kinilala at kinagisnan bilang mga Pilipino.

Pagmamalabis man kung isipin pero ito ay hindi malayo sa maaaring mangyari. Hindi kasi sa lahat ng bagay kung ano ang nakikita natin ay siya ring totoo.  Minsan kailangan rin nating mag-isip bago natin husgahan ito, dahil baka sa paghangad ng lubos, mas malaki ang hindi aayon sa pangyayaring gusto mo.

Author: Angelique Billones

Share This Post On

Leave a Reply